Chinese casino financier dinukot

Dinukot ng tatlong armadong kalalakihan ang isang Chinese casino financier kahapon ng madaling-araw sa Binondo, Manila.

Nakilala ang biktima na si Susan Ong, 40, residente ng Nomancia St., Binondo, Manila at ang driver nitong nakilala lamang sa pangalang Dante.

Nabatid sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya naganap ang pagdukot dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Delpan sa panulukan ng Valderama St. ng nasabing lugar habang ang biktima lulan ng kanyang Honda CRV na may plakang WKB-598 ay papauwi na sa kanilang bahay.

Bigla na lamang umanong hinarang ng sasakyan ng mga suspect ang sasakyan ng mga biktima.

Isa sa mga suspect ang puwersahang sumakay sa sasakyan ng mga biktima at saka sapilitang tinangay ang mga ito.

Masuwerte namang nakatalon mula sa sasakyan ni Ong ang kapatid nitong si Miling na siyang nagsumbong sa mga tauhan ng pulisya tungkol sa pangyayari.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. Hindi naman binanggit kung kumontak na ang mga suspect sa pamilya ng biktima. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments