Ayon kay Supt. Raul Medina, ng CPD-CIU na ang mga nasawing suspect base sa nakalap nilang ulat ay miyembro ng RAM. Isang police major umano buhat sa Region 6 ang humahawak sa grupo sa pag-ooperate ng mga ito sa panghoholdap, pangangarnap at sa operasyon ng bukas-kotse.
Magugunitang ang madugong insidente ay naganap dakong alas-3:30 ng hapon sa may Barangay Bahay Toro, Quezon City kung saan nasawi ang mga sinasabing suspect na sina Eufemio Pitulan, Sergs Pitulan, Edward Pitulan, Felimon Pitulan at Augusto Torres. Nasawi rin ang pulis na si PO1 Aldie Monterozo.
Kaugnay nito, nakahanda umano ang PNP na sumailalim sa isasagawang pagsisiyasat, gayundin ang pagpi-prisinta nila ng matibay na ebidensiya para patunayang shootout at hindi rubout ang naganap.
Sa inisyal na imbestigasyon nabatid na sinita ng mga pulis ang grupo ng mga suspect matapos na makatanggap sila ng impormasyon sa kahinahinalang kilos ng mga ito.
Bago pa man makalapit ang mga awtoridad ay pinaputukan na umano sila ng mga suspect kung kaya napilitan silang gumanti at dito napatay ang lima. Gayunman, minalas din na isa ang nalagas sa panig ng mga awtoridad. (Ulat nina Danilo Garcia at Angie dela Cruz)