PLDT employee patay sa driver ni Gen. Velasco

Namatay noon din ang isang empleyada ng Philippine Long Distance and Telephone Co. (PLDT), habang tatlo pa nitong kasamahan sa trabaho ang malubhang nasugatan makaraang sumalpok sa konkretong poste ng Metro Rail Transit (MRT) ang kanilang sasakyan dahilan sa pagkakabangga ng driver ni NCRPO Chief P/Deputy Director General Reynaldo Velasco sa Mandaluyong City.

Kinilala ang nasawi na si Katrina Concepcion, 22, nakatalaga sa PLDT Call Center at residente ng Dama de Noche St., Twinville Subd., Marikina City.

Nakilala naman ang mga malubhang nasugatan na sina Anthony Mabazea, driver ng Toyota Revo, may plakang WGB-930 at ang dalawa pa nitong sakay na sina Archie Maderal at Ervina Aquino, pawang empleyado ng PLDT.

Base sa imbestigasyon ni PO3 Obet Dumayao, ang insidente ay naganap dakong alas-7 ng umaga sa kahabaan ng EDSA sa pagitan ng SM Megamall at Robinson Galleria.

Napag-alaman na kasalukuyang minamaneho ni Bernardo Nolasco ang Prottex Whira ni P/Director Velasco, may plakang RCV-444 na kasalukuyang bumabagtas sa EDSA nang aksidenteng mabangga ang behikulong kinalululanan naman ng mga biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga ay sumalpok naman sa poste ng MRT ang sasakyan ng mga biktima na tuluyang nagkayupi-yupi sa insidente.

Isinailalim naman sa masusing pagtatanong si Nolasco, driver ni Velasco bunga ng naganap na malagim na sakuna.

Kaugnay nito, personal namang nagtungo sa himpilan ng Mandaluyong City Police-Traffic Management Group si Velasco upang tiyakin na walang magaganap na whitewash sa kaso.

Isinailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kaso. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments