Sa Makati City, lima katao na kinabibilangan ng mag-iina ang nasawi makaraang masunog ang kanilang bahay na naganap dakong ala-1:15 ng madaling-araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Luzviminda Joble-Dizon, 47, at ang mga anak na sina Diane, 11; Jaypee, 10; Bebot, 8 at Princess Dizon, 4, ng 3743 sa panulukan ng Estrella at Apolinario Streets sa Barangay Bangkal sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na ang apartment na tinitirhan ng mag-iinang biktima ay nasa dulong-dulo. Nagsimula umano ang apoy sa labas ng bahay sa kusina ng mga biktima.
Mabilis na kumalat ang apoy sa kabuuan ng bahay at na-trapped ang mga biktima sa loob.
Pinaniniwalaang nag-leak ang tangke ng LPG na naging dahilan ng pagsabog hanggang sa magkasunog.
Sa Caloocan, natusta din sa naganap na sunog ang mag-iina na binubuo ng apat katao. Nakilala ang mga nasawi na sina Elmera Capigo, 33, at mga anak na sina Maria Lema, 8; Lery Mae, 5 at Leloicia, apat na buwang gulang at naninirahan sa 9 Batangas St., Bagong Barrio, Caloocan City.
Naitalang naganap ang sunog dakong alas-2:55 ng madaling araw sa ikalawang palapag ng bahay ng mga biktima.Base sa imbestigasyon, nabatid na umalis ng bahay ang ama ng tahanan na si Francisco para magtapon ng basura kung saan ay ikinandado nito ang pintuan ng kanilang bahay.
Napag-alaman pa na may ilang linggo nang walang serbisyo ng kuryente sa bahay ng mag-anak kung kayat ang ginagamit na ilawan ay kandila at gasera na pinaniniwalaang siyang pinagsimulan ng sunog.
Narekober ang bangkay ng mag-iina sa unang palapag ng bahay kaya pinaniniwalaang tinangka pa ng mga ito na iligtas ang kanilang sarili subalit huli na ang lahat.Tinatayang aabot sa milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok sa dalawang naganap na sunog. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Rose Tamayo)