Sinabi ni Sen. Magsaysay, kapag ipinatupad ang excise tax na ito ay tataas ng 35-50 porsyento ang halaga ng AUVs kaya ang dating P700,000 na halaga nito ay magiging P1 milyon.
Wika pa ni Magsaysay, kapag tumaas ang presyo ng AUVs sa bansa ay baka wala ng bumili nito at mangangahulugan ito ng pagbabawas sa trabahador mula sa pagawaan ng sasakyan.
Iginiit pa ng senador, dahil naman sa pagbibigay ng tax exemptions ni Finance Sec. Jose Isidro Camacho sa Honda CRV noong nakaraang taon ay nawala sa kaban ang may P1.5 bilyong buwis gayung hindi naman AUV o 10-seater passenger vehicle ito kundi sports car.
Aniya, dapat tuluyang ibasura ng DOF at BIR ang plano na ipatupad ang Revenue Regulations na ito dahil dagdag na pahirap lamang ito sa industriya na nagmamanupaktura ng local na AUVs at posibleng maging dahilan para magkaroon ng dagdag na pamasahe dahil ang mga AUVs na ito ay ginagamit sa mass transportation ng taumbayan. (Ulat ni Rudy Andal)