Iniharap kahapon sa mamamahayag sa Camp Crame ang mga nadakip na suspect na sina SPO1 Edwin Comia, 47 at PO3 Alex Gener, 29;
Ayon kay NCRPO Chief, Deputy Director General Reynaldo Velasco, unang nadakip sina Comia at Gener dakong alas-4:15 kamakalawa ng hapo sa FTI Complex sa Taguig, Metro Manila.
Nabatid na naghain ng reklamo si Philippine Air Force A2C Diomedes Manalo sa NCRPO laban sa dalawang pulis matapos siyang arestuhin habang nagmamaneho ng walang helmet.
Dinala siya ng dalawang pulis sa Police Community Precint 1 Station ng Taguig at doon hiningian ng P4,000 para makalaya ito nang walang rekord. Bukod dito, hiningian din siya ng mga pulis ng P14,000 para maibalik ang kinumpiska sa kanyang kalibre .45 baril.
Dahil sa wala nang dalang pera, nakipagkasundo si Manalo sa dalawang pulis na ihahatid ang naturang halaga sa FTI Complex. Dito na nagsagawa ng entrapment ang mga elemento ng NCRPO kung saan dinakma nila ang dalawa sa aktong tinatanggap ang naturang marked money buhat kay Manalo. (Ulat ni Danilo Garcia)