3 bagitong pulis na 'tulak', timbog

Kalaboso ang inabot ng tatlong bagitong pulis na nakatalaga sa Central Police District-Galas Police Station 11 makaraang maaresto ang mga ito dahilan sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot, kamakalawa ng hapon sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ni WPD-Drug Enforcement Group Supt. Marcelino Pedroza ang mga nadakip na sina PO1’s Carmelo Decena, 31; Benjarde Perez, 27, at Joel Diomampo, 33.

Batay sa impormasyon ng pulisya, dakong ala-1 ng hapon ng maaresto ng pulisya ang mga suspect sa panulukan ng Matimyas at Ramires Sts. sa nasabing lugar.

Nabatid na isang tawag mula sa isang source ang nagtimbre sa pulisya na magbabagsak ng droga ang tatlong suspect lulan ng isang kulay green na Nissan Sentra na may plakang DFP-292.

Agad namang nagsagawa ng operation ang mga tauhan ni Pedroza na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.

Tinangka pa umanong tumakas ng mga suspect na pulis ngunit minalas na bumangga ang kanilang sinasakyang kotse sa isang nakaparadang Honda Civic.

Sa himpilan ng pulisya nabatid na ang mga naaresto ay pawang mga pulis na nakatalaga sa CPD-Galas Station.

Nasamsam sa mga ito ang may 50 gramo ng shabu habang wala namang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mga ito. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments