Bagets kritikal sa gulpi

Agaw-buhay ang isang binata makaraang pagtulungang gulpihin, pagpapaluin ng golf at saksakin ng pitong lalaking nag-iinuman nang pagbintangan ito na nambato sa nasabing grupo kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.

Ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa ang biktima nakilalang si Joseph Vigil, 37, nakatira sa 1466 Kelly Compound, Brgy. Alabang, nasabing lungsod.

Isa sa pitong suspect na nadakip ng pulisya ay kinilalang si Jockaris Balbino, 18, ng 138 Kelly Compound ng nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jhun dela Cuesta, ng Muntinlupa Police-Criminal Investigation (CID), naganap ang insidente dakong alas-7:20 ng gabi sa naturang compound.

Nabatid na may nambato sa grupo at nagkataong papalabas ng bahay ang biktima. Pinagbintangan ng mga suspect at mabilis siyang kinuyog at pinagtulungang bugbugin, paluin ng golf bat at pagsasaksakin. Agad na isinugod ang biktima sa pagamutan at nakatakdang ilipat sa Philippine General Hospital dahil sa kritikal nitong kalagayan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments