Ginang ayaw magpasampay, bugbog-sarado sa kapitbahay

Halos hindi na makilala ang isang ginang makaraang pagbubugbugin ito ng mag-asawang kapitbahay matapos na tumanggi ang una na magpasampay ng damit sa harap ng kanilang bahay sa Tondo, Manila.

Sarado ang dalawang mata nang magtungo ang biktimang si Maria Elena Mutya, 28, residente ng 1505 Mel Alcalde, Tondo, Manila sa tanggapan ng WPD dahil sa tinamo nitong bugbog mula sa mag-asawang suspects na sina Virgilio Caparas, 35, janitor at asawang si Catalina, 33, ng Mel Alcalde St., ng nasabing lugar.

Napag-alaman na naganap dakong alas-8 ng gabi sa loob mismo ng bahay ng biktima.

Una dito’y nagkaroon ng pag-aaway ang biktima at si Catalina dahil sa pagbabawal ng una na magsampay ng damit ang huli sa harapan ng kanilang bahay.

Dahil dito ay nagalit si Catalina dahil sa hindi naman umano pag-aari ng biktima ang nasabing sampayan.

Pagdating naman ni Virgilio mula sa trabaho ay nagsumbong ang kanyang asawa kung kaya’t sumugod ang mga ito sa bahay ng biktima.

Ang paninita ng mga suspect ay nauwi sa pagbabatuhan ng masasamang salita hanggang sa pasukin ng mga ito ang bahay ng biktima at dito pinagbubugbog.

Agad namang nadakip ang mga suspect. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments