Security agency nilooban, 1 arestado

Arestado ang isang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng kilabot na ‘Akyat bahay gang’ matapos na mahuli sa aktong nilalabas ang ninakaw na kagamitan sa niloobang security agency na pag-aari ng isang retired colonel ng Philippine Army kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Batay sa ulat na tinanggap ni CPD director Sr. Supt. Napoleon Castro, ang suspect ay nakilalang si Napoleon Arce y Cuevas, 31, ng 333 Boni Serrano, Brgy. Bayanihan, Project 4, Q.C., samatalang nakatakas naman ang isa pang kasamahan nito na hindi pa nakikilala.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pinasok ng mga suspect ang Hot Rod Security Agency na pag-aari ni retired Philippine Army Col. Jose Cortez, dakong alas-4 ng madaling araw .

Sinira ng mga suspect ang kandado ng pintuan na nasa harap ng agency upang makapasok sa loob ng opisina.

Napansin naman ng mga nagrorondang barangay tanod ang kakaibang kilos sa nasabing opisina kung kaya’t agad nilang nilapitan at nahuli sa akto ang suspect na bitbit ang ilang mahahalagang gamit sa opisina.

Kabilang sa natangay ng suspect na tumakas ay isang set computer, Nebulizer, portable typewriter at dalawang computer printer. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments