Vendor tinodas dahil sa sigarilyo

Dahil lamang sa stick ng sigarilyo, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang lalaki ang isang vendor matapos ang pagtatalo kamakalawa ng gabi sa EDSA, Quezon City.

Idineklarang patay sa Quirino Memorial Medical Center ang biktimang si Anaceto Guray, 36, may asawa, ng Batasan Hills ng naturang lungsod.

Kaagad naman naaresto ang suspect na si Alfredo Roque, 33, binata, jobless at walang permanenteng tirahan.

Sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Leo Nino Pasco, ng Criminal Investigation Unit, dakong alas-10:20 ng gabi sa tapat ng STI Computer School sa EDSA panulukan ng Aurora Blvd.

Nauna rito, lumapit sa naturang puwesto ng biktima ang suspect at tinanong kung magkano ang stick ng sigarilyo.

Sinabi ng vendor na piso ang halaga ng isang stick na sigarilyo kaya namahalan ang suspect.

Gusto ng suspect na tatlong stick ng sigarilyo sa halagang piso, ngunit hindi pumayag ang naturang vendor kaya nauwi sa pagtatalo hanggang sa magsuntukan.

Naawat naman ng ilang vendor ang suntukan ng dalawa at umalis ang suspect.

Lingid sa biktima ay bumalik ang suspect na may hawak na patalim at inundayan ng dalawang beses na saksak ang vendor. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments