Kasalukuyang nakapiit sa selda ng Navotas police station ang suspect na nakilalang si Florencio Pangilinan, 43, ng 22 M. Naval ng nasabing bayan matapos itong ireklamo ng kanyang anak na nakilalang si Jake, 13.
Ayon kay PO1 Milrosa Almasco, may hawak ng kaso, dakong alas-4 nang bugbugin ng suspect ang kanyang anak sa loob ng kanilang bahay sa nabanggit na lugar.
Nauna rito, inutusan umano ng suspect ang kanyang anak na bumili ng shabu bagamat labag sa kagustuhan ng biktima na sundin ang gusto ng kanyang ama ay sumunod din ito.
Nang makabili, sa halip na umuwi ng kanilang bahay ay nagtungo sa kanilang barangay ang biktima na agad namang sinamahan kay Insp. Roberto Dayag ng PCP 2 kung saan sinabihan ng pulis ang biktima na umuwi muna at bumalik sakaling saktan siya ng kanyang ama.
Hindi naman nagkamali ng hinala si Dayag dahilan sa makalipas ang ilang minuto ay duguan at bukul-bukol ang pagmumukha ng biktima nang magbalik ito sa naturang himpilan kung saan agad nilang inaresto ang suspect at ngayoy nahaharap sa kasong child abuse. (Ulat ni Rose Tamayo)