Escort ni GMA patay sa aksidente

Nasawi ang isang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo habang nag-iescort ito nang pumailalim ang sinasakyan nitong motorsiklo sa isang ten-wheeler truck kamakalawa ng hapon sa Navotas.

Hindi na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital sanhi ng matinding pinsala sa ulo ang biktimang si Pedro Vicedo, 37.

Kusang-loob namang sumuko at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver-suspect na si Ricardo Bulatao, 41, ng 2815 M. Roxas 3M Recto, Angeles City.

Batay sa pagsisiyasat ni PO3 Ferdinand Manapat, officer-on-case, naganap ang insidente sa Road 10 ng nasabing bayan dakong alas-5:15 ng hapon.

Nabatid na sakay ng kanyang motorsiklo at kasama sa escort ng Pangulo ang biktima kung saan nasa bandang hulihan at hinahabol ang naturang convoy nang di nito namalayan ang papalikong 10-wheeler Isuzu cargo truck na may plakang ULW-620 na minamaneho ng suspect at pag-aari ng City Supermart Inc.

Dahil dito, hindi na nakuhang iwasan ng biktima ang nasabing cargo truck at pumailalim ito na naging dahilan ng kanyang kamatayan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments