^

Metro

OFW itinakas ng mga Pinoy sa ospital sa Saudi

-
Itinakas ng grupo ng mga overseas Filipino workers (OFW) ang kasamahan nilang manggagawa na nakaratay sa King Fahd Hospital makaraang maaksidente sa Saudi Arabia.

Si Romeo Saldana, 42, ay matagumpay na nakatakas nang hindi namamalayan ng pamunuan ng nasabing pagamutan, dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa lulan ng Saudia Airlines flight SV-870 mula Riyadh.

Sa report na tinanggap ni OWWA Administrator Ver Angelo, ang pagkakasangkot ni Saldana sa vehicular accident ay naganap habang patungo ito sa pabrikang pinapasukan nang mabangga ng rumaragasang kotse na minamaneho ng isang hindi pa nakikilalang Arabo noong Hunyo 2000.

Dahil sa matinding pagkakabangga, nabagok sa semento ang ulo ni Saldana na ikinawala ng ulirat nito hanggang sa magising na lamang sa ospital makaraang isugod ng ilang saksi sa insidente.

Batay sa medical records, ang ulo ni Saldana ay nagtamo ng seryosong pinsala dahil sa nabanggit na aksidente na naging sanhi ng pagkakalagay nito sa comatose condition sa loob ng dalawang buwan.

"Ang akala ko tutulungan ako ng amo kong Arabo dahil sa inilipat pa ako nito ng ospital ngunit anim na buwan na akong nakaratay ay hindi ko pa nakitang dumalaw ito," ani Saldana.

Idinagdag pa nito na "Akala ko dahil sa pribadong ospital ang pinaglipatan sa akin ay maganda ang serbisyo. Bukod sa hindi maayos na panggagamot sa sugat kong tinamo sa ulo ay pinabayaan pa ako ng mga doktor doon sa King Fahd Hospital at ang ikinatakot ko ay umabot sa $50,000 ang bill ko sa loob ng 6-na-buwan."

Bunga ng matinding desperasyon at kawalan ng perang pambayad sa ospital ay ipinasya ni Saldana na hingin ang tulong ng mga kapwa nito OFWs sa Saudi.

Napagkasunduan ng mga OFWs na itakas si Saldana sa ospital at dinala sa Riyadh upang itago hanggang sa makakuha ng mga kakailanganing travel documents para makabalik ng bansa.

Pagdating sa NAIA, si Saldana ay tinulungan naman ng mga tauhan ng OWWA at agarang dinala sa Philippine General Hospital para gamutin ang malubhang sugat nito. (Ulat ni Butch Quejada)

ADMINISTRATOR VER ANGELO

ARABO

BUTCH QUEJADA

KING FAHD HOSPITAL

NINOY AQUINO INTERNATIONAL AIRPORT

PHILIPPINE GENERAL HOSPITAL

RIYADH

SALDANA

SAUDI ARABIA

SAUDIA AIRLINES

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with