Ayon sa isang pulis sa Camp Karingal, madalas na lumalabas ng kampo ang nasabing sasakyan dakong alas-9 ng gabi at babalik ng madaling-araw.
Madalas umanong i-park ang naturang sasakyan sa may grandstand upang hindi umano mapansin at kung minsan ay sa harap ng CIU.
Sa katunayan, sinita na ang sasakyan sa gate dahil sa kawalan ng plate number subalit iginiit ng mga pulis na may mga alyas na Kamandag, Barbie, Ranger, Apple, Bong at Pogi na ginagamit nila ang nasabing sasakyan sa kanilang operasyon dahil wala silang magamit na mobile ng Central Police District.
Ang nasabing L-300 van ay isang carnap vehicle subalit ginagamit ng mga pulis sa umanoy kanilang illegal operation.
Ginagawang dahilan o alibi ng mga pulis ang kanilang paghuli sa mga snatcher, holdaper at drug pusher.
Ang mga naturang pulis ay madalas umanong masangkot sa mga iligal na kaso.
Sinabi rin ni Lilia Dangalan na madalas din sa kanilang lugar sa St. Ignacio St. sa Villa Real, Brgy. Gulod, Novaliches ang nabanggit na L-300 van.
Matatandaan na sina Angelito Nabong, 25; Crisanto Fidellaga, 30; at Crestituto Carsido, 25, ay natagpuang patay at kinilala ng kanilang asawa at isang alyas Allan na isang police asset.
Bagamat aminadong mandurukot ang asawa, sinabi ni Gng. Carsido na may proteksyon umano ito sa anim na pulis. (Ulat ni Doris Franche)