^

Metro

Militar at pulisya red alert sa EDSA 2 anniversary

-
Mananatiling 24 oras na nasa red alert ang magkakasanib na elemento ng militar at pulisya upang bantayan ang EDSA Shrine hanggang sa hindi natatapos ang paggunita sa People’s Power II na nagbigay-daan upang mapatalsik sa posisyon si dating Pangulong Joseph Estrada at nagluklok naman sa Malacañang kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ang inihayag kahapon ni Army Lt. Col. Danilo Servando, chief n AFP Public Information Office (PIO).

Ayon kay Servando, magbabantay ang puwersa ng militar sa tulong ng mga tauhan naman ng Philippine National Police (PNP) sa EDSA Shrine bilang tugon sa kahilingan ni Bishop Soc Villegas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) upang mapangalagaan ang lugar laban sa bantang paglusob ng oposisyon at mga protesters.

Una rito, hiniling ng Simbahang Katoliko na ipagbawal ang pagdaraos ng mga kilos-protesta sa nasabing simbahan upang mapangalagaan ang pagiging sagrado ng lugar na madalas ay sinasamantala ng ilang sektor na nagnanais na magpahayag na kanilang sentimyento.

Pansamantalang tinanggal naman ang mga nakaharang na barb wire sa paligid ng EDSA Shrine ngunit nakakubli ang maraming bulto ng mga sundalo at kapulisan sa taas ng nasabing simbahan at handang harapin ang sinumang magtatangkang magsagawa ng anumang kilos-protesta sa lugar.

Magugunita na itinaboy ng mga sundalo at pulis ang grupo ng Council for Philippine Affairs (COPA) sa pamumuno ni Pastor Boy Saycon matapos tangkaing magbarikada sa EDSA Shrine.

Samantala, nakatakdang mag-deploy ng karagdagan pang mahigit 400 miyembro ng Civil Disturbance Unit ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay ng ika-2 taong anibersaryo ng EDSA II sa makasaysayang EDSA Shrine at People Power Monument bukas, araw ng Lunes.

Nauna nang nagpakalat ng kulang-kulang sa isandaang pulis at sundalo ang pulisya at militar upang harangin ang mga demonstrador o raliyista na magtutungo rito.

Sa panayam, sinabi ni P/Chief Supt. Vidal Querol, Directorate for Operation ng PNP, ang deployment ng mga PNP personnel sa naturang mga lugar ay upang mapigilan ang ilang sektor na makapag-rally sa lugar.

Kasabay nito, nanawagan si Querol sa lahat ng sektor na nagnanais na magpiket sa EDSA Shrine na huwag nang ituloy ang kanilang mga balakin dahil hindi sila papayagan ng pamunuan ng Simbahang Katoliko at ng magkakasanib na elemento ng Civil Disturbance team na gamiting muli ang banal na lugar sa pagra-rally.

Sa panig naman ng AFP, nabatid ng mga opisyal nito na isang kumanya ng composite elements ng militar o tinatayang 120 sundalo ang ide-deploy din sa nasabing lugar sa mismong araw ng pagdiriwang ng EDSA 2. (Ulat ni Joy Cantos)

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

ARMY LT

BISHOP SOC VILLEGAS

CATHOLIC BISHOPS CONFERENCE OF THE PHILIPPINES

CHIEF SUPT

CIVIL DISTURBANCE

EDSA

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

SIMBAHANG KATOLIKO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with