Wanted na Chinese at trader arestado

Nadakip ng mga tauhan ng Central Police District-Baler Station ang isang Chinese na matagal nang pinaghahanap ng pulisya dahil sa kasong large scale estafa na nakasampa sa iba’t ibang korte sa Metro Manila.

Si Sy Bun Uy, 47, ng 632 Sto. Cristo St. Binondo,Manila ay nahuli ng mga tauhan ni Sr.Supt. Leo Aguilar ng CPD- Baler Station sa harap ng PNB West Ave. Ito ay gumagamit ng mga alyas na Bon Sy at Bon Dichavez.

Ayon kay Aguilar, si Uy ay may mga warrant of arrest mula sa Manila, QC at Rizal Regional Trial Court.

Samantala, isa pang negosyanteng babae ang inaresto naman ng Makati police sa isang entrapment dahil sa umano’y panunuba nito ng halagang P.1 milyon kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Kasalukuyang nakakulong sa Theft and Robbery Section ang suspect na si Theresa Flores, 39, ng 22-E Oracia Avenue, Project 8, QC matapos na ireklamo ni Elizabeth Al Hamad, 31, nurse at residente ng 62-B Don Ernesto St. Don Enrique Heights, Commonwealth Ave. Q.C.

Nakilala niya ang suspect at humingi ng P120,000 para sa 3,000 piraso ng prepaid cards na kanilang ninenegosyo. Subalit ilang araw ang nakalipas ay hindi nagpakita ang suspect.

Nakumpirma ni Al Hamad na modus operandi ito ng suspect kung kaya’t isinagawa ang entrapment laban dito.

Si Flores ay nahaharap sa kasong estafa. (Ulat nina Doris Franche/Rose Tamayo)

Show comments