Ayon kay Chief Inspector Efren Yadao, Valenzuela fire marshall, kasalukuyang iniimbestigahan sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 5 Chinese nationals na naaresto ng kanyang mga tauhan sa isang warehouse na pabrika ng mga pekeng sigarilyo sa Mapulang Lupa, Valenzuela.
Sinabi ni C/Insp. Yadao, isang reklamo ang kanyang natanggap mula kay Mr. Henry Dayero hinggil sa poste na pinagmulan ng sunog sa Mapulang Lupa.
Kaagad inatasan ng fire marshall si SFO3 Arnel Ibasco, OIC ng Intelligence and Investigation section ng Val. fire department, kung saan ay nagsagawa naman ito ng imbestigasyon hanggang sa mapansin ang mga makina at mga finished products ng Marlboro, Winston at Champion cigarettes na pinaghihinalaan nilang mga peke.
Hihingi sana ng assistance ang mga bumbero sa mga awtoridad hinggil sa kanilang nadiskubre hanggang sa matyempuhan naman nila sina NBI counter-intelligence division chief Atty. Rogelio Mamuag, Atty. Ruel Lasala ng NBI-Narcotics division at Sr. Insp. Danilo Bugay ng Valenzuela police na nagsasagawa ng stake-out operations sa nasabing pabrika.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ang NBI, pulis at Valenzuela fire department ay natuklasan nila na pabrika ng pekeng sigarilyo ang nasabing warehouse kaya kaagad nilang inaresto ang 5 Chinese nationals na nag-ooperate ng nasabing pabrika.
Kinumpiska din ng mga awtoridad ang nasabing mga makina na gamit sa paggawa ng pekeng sigarilyo pati ang mga raw materials na tabako at kahong-kahong finished products.
Ito ang pangalawang pagkakataon na naging instrumento ang Valenzuela fire department upang mabuwag ang malaking sindikato.
Ang una ay noong masunog ang isang warehouse sa Lawang-bato hanggang sa madiskubre ng mga bumbero na laboratoryo ito ng shabu at pangalawa ay ang inireklamong poste sa isang pabrika na natuklasang pagawaan naman ng pekeng sigarilyo. (Ulat ni Rudy Andal)