Armas ng robbers, 5 star lang pero milyon ang natangay

Pinasabugan muna ng malakas na paputok ang isang sangay ng Globe Telecoms Booth Sales Office bago tuluyang nilooban ng isang grupo ng hindi nakikilalang kalalakihan kahapon ng madaling araw sa Mandaluyong City.

Kasabay nito, agad namang nadakip ang isa sa mga suspect na nakilalang si Mark Ser Doncillo, 18, at residente ng Barangay Daang Bakal ng nabanggit na lungsod matapos ang isinagawang follow-up operation.

Pinaghahanap pa ang mga kasamahan nito na nakilalang sina Gerry Dizon, Nudmad Yambao at dalawa pang hindi binanggit ang pangalan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa General Kalentongt St. ng nabanggit na lungsod.

Napag-alaman na nagawang pasukin ng mga suspect ang Booth Sales Office ng Globe Telecoms nang gamitan nila ng malakas na paputok na 5 star ang harapang bahagi nito.

Matapos mawasak ang pintuan ay nilimas ng mga suspect ang mga tinda nitong telecom equipments, gadgets, cellphone, SIM cards, cell cards, at maging ang cash sa kaha na tinatayang aabot sa milyong halaga.

Matapos ang panloloob ay mabilis na tumakas ang mga suspect subalit minalas namang madakip agad si Doncillo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments