2-anyos patay sa baril ng tiyo

Hindi na nagising pa sa mahimbing na pagkakatulog ang isang 2-anyos na batang babae nang tamaan ito ng bala matapos na bumagsak sa sahig ang baril ng kanyang tiyuhin, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Isang tama ng bala ng baril ang tumama sa bumbunan ng batang si Fabie Joy Concepcion ng Block 37, Lot 11, Phase 3, Dagat-Dagatan ng nabanggit ng lungsod na naging dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Tumakas naman bitbit ang baril ang kanyang tiyo na si Jayson delos Reyes, 17, estudyante.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, unang narinig ang pag-aaway ng ina ng bata na si Fe at ang live-in partner nito na si Ferdie Maglalang sa loob ng kanilang bahay sa nasabing lugar.

Upang hindi na umano humaba pa ang pagtatalo ng dalawa ay kapwa umalis ang mga ito ng kanilang bahay habang ang biktimang si Fabie Joy ay iniwan kay Jovylyn Batica, 20, sa kalapit nilang kuwarto.

Agad namang pinatulog ni Jovylyn ang bata sa kanyang kuwarto kung saan dumating naman ang tiyo ng bata na si Delos Reyes na may nakalagay na baril sa bewang.

Sa hindi umano inasahan ay biglang bumagsak sa lapag ang baril at saka pumutok. Natiyempuhan namang tinamaan sa bumbunan ang batang natutulog.

Gayunman, isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments