Lolo nagbigti sa araw ng Pasko

Dahil sa madalas nilang pag-aaway ng kanyang misis dahil sa problema sa pera, isang lolo ang nagpasyang magbigti sa araw ng Pasko, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Patay na nang matagpuan si Monico C. Caballero Sr., 69, nakatira sa #47 Admiral Village, Brgy. Talon Tres, ng lungsod na ito matapos magbigti gamit ang nylon cord.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Robert Alipalo ng Criminal Investigation Division (CID), Las Piñas City police, dakong alas-10 kahapon ng umaga nang matagpuan ang nasawi, ng kanyang asawa na nakilalang si Leticia.

Nakatali ang leeg nito at nakasabit sa isang malaking puno na matatagpuan sa labas ng kanilang bahay.

Sa pahayag ng misis ng nasawi, madalas umano silang mag-away ng kanyang mister dahil sa problema sa pera.

May hinala ang pulisya na hindi na matagalan ng matanda ang pag-aaway nilang mag-asawa kung kaya’t kinitil nito ang sariling buhay. Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments