Dumulog sa presinto ng Mandaluyong City police kasama ang ilang nabiktimang pasahero upang magreklamo ang konduktor ng RRCG aircon bus na kinilalang si Ferdinand Balonda, 33, at naninirahan sa San Rafael, Bulacan.
Tinataya namang umaabot sa libu-libong halaga ng mga salapi, alahas at cellular phone ang natangay ng mga holdaper mula sa mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Bayani Prianes, may hawak ng kaso, ang insidente ay naganap bandang alas-3 ng madaling araw habang naglalakbay ang nasabing RRCG aircon bus na kinalululanan ng mga biktima sa kahabaan ng Ortigas Avenue Extension ng naturang lungsod.
Sampung suspect na kasasakay lamang umano sa nasabing bus ang agad na nagdeklara ng hold-up ilang minuto matapos ang mga itong sumampa sa bus.
Isa-isang nilimas ng mga suspect ang alahas, pera at cellphone ng mga pasahero gayundin ang kinita ng bus.
Pagsapit sa may Producers Market ay agad nagsibaba ang mga suspect at tumahak sa direksyon ng Libertad St.
Kasalukuyan pang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya ang kaso. (Ulat ni Joy Cantos)