Simbang gabi binulabog ng pagsabog

Nabulabog ang isinagawang Simbang Gabi kahapon sa Caloocan City makaraang isang pagsabog ang yumanig sa loob ng simbahan sanhi ng inihagis na pillbox ng isang lasing na lalaki.

Bagama’t walang iniulat na malubhang nasugatan sa nasabing insidente, maraming bilang sa mga nagsisimba ang nagtamo ng mga galos sa katawan sanhi ng pagtakbuhan, pagtutulakan at unahang paglabas sa simbahan sa pag-aakalang isang bomba ang sumabog.

Kasabay nito, naaresto naman ng mga nagrorondang mga barangay tanod ang suspect na kinilalang si Enrique Sy Reli, 22, may-asawa at residente ng Dagat-Dagatan, Caloocan City.

Base sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-4:46 nangyari ang insidente kahapon ng madaling araw sa San Roque Church na matatagpuan sa kahabaan ng A. Mabini Street sa tapat ng Caloocan City Hall.

Nabatid sa pahayag ng isang saksi na sa di malamang dahilan ay bigla na lamang inihagis ng lasing na suspect ang hawak nitong pillbox na ikinasugat ng mga nagsisimba.

Dahil sa lakas ng pagsabog at sa pag-aakalang bomba ang sumabog ay nagtulakan ang mga nagsisimba na naging sanhi ng kanilang pagkasugat.

Agad na dinala ang suspect sa himpilan ng pulisya kung saa kasalukuyan ito ngayong nakakulong at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments