Tatlong malalalim na saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ng biktimang si Mario Desiderio, 54, nakatira sa University Ave., Brgy. Potrero, ng nabanggit na lungsod.
Mabilis namang nakatakas ang suspect na si Nilo Butista, 39, kapitbahay ng biktima dala-dala ang mahabang patalim na ginamit sa pamamaslang.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng gabi sa harapan mismo ng bahay ng biktima.
Nabatid na kasalukuyang nagpapahinga si Desiderio sa loob ng kanilang bahay nang magulantang ito dahil sa mga yabag mula sa bubungan ng kanyang bahay.
Dahil sa napapabalitang mayroong "aswang" na gumagala sa kanilang lugar, lumabas ng bahay ang biktima para itaboy ang inaakala niyang aswang.
Subalit tumambad sa kanya ang mukha ng suspect na siya palang gumagapang sa bubong ng kanyang bahay kaya sa pagkagulat ng biktima ay binulyawan ito at pinabababa.
Hindi batid ng biktima na armado pala ng mahabang patalim ang suspect at pagbaba nito mula sa bubong ng bahay ay agad siyang inundayan ng tatlong magkakasunod na saksak sa katawan na naging dahilan ng agaran niyang kamatayan. (Ulat ni Rose Tamayo)