Kinilala ni CIDG director Chief Supt. Eduardo Matillano ang mga naarestong suspect na sina Benita Cruz, 54; Allan Agayon, 22; Louie Agayon; Juanito Ocampo at Nomerzano Galala.
Base sa ulat, isang operasyon ang isinagawa ng mga awtoridad sa warehouse ng suspect na si Cruz sa 1817 New Antipolo St., Blumentritt, Manila kung saan isang pulis ang nagpanggap na poseur-buyer upang makabili ng bomb ingredient kapalit ng halagang P3,000.
Ang pagsalakay ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa pagbebenta ni Cruz ng mga bomb ingredients tulad ng nitrates, potassium at sodium cyanide nang walang permiso.
Nakumpiska sa mga suspect ang may 1,194 piraso ng blasting caps, 21, kahon at 35 sako ng ammonium nitrate, pitong sako ng potassium nitrate, isang drum na may timbang na 50 kilo ng sodium nitrate at ilang sako ng ammonium nitrate na walang kaukulang permiso buhat sa Firearms and Explosive Division ng PNP.
Ayon sa rekord, mahigit dalawang taon na ang tagal ng negosyo ni Cruz kung saan kabilang sa mga ibinebentang kemikal nito ay ang sangkap ng paggawa ng malakas na bomba na gamit ng mga terorista.
Itoy tulad ng mga ginamit sa pagpapasabog sa Glorietta, Makati City noong Mayo 17, 2000, pambobomba sa SM Megamall noong Mayo 21, 2000, sa Department of Finance building at sa Robinsons Mall.
Sinisiyasat pa ng pulisya kung may koneksyon ang mga nadakip na suspect sa grupo ng mga terorista. Nahaharap ang mga ito sa kasong illegal possession of firearms at explosive devices. (Ulat ni Danilo Garcia)