Kinilala ni Supt. Dionisio Borromeo, hepe ng Station Intelligence and Investigation Division ng Caloocan City police ang mga dinakip na sina Felix Avila Jr., ang dating supervisor sa nasabing kompanya na sinasabing utak sa isinagawang pagdukot; Romero Gonzales, foreman sa Selecta Feeds at ang driver na si Jay dela Cruz.
Ang tatlo na nakatakdang isailalim sa polygraph test ay posibleng may kinalaman sa pagdukot sa biktimang si Danny Bautista.
Paghihiganti pa rin na may kinalaman sa personal na away hinggil sa posisyon sa kompanya ang tinitingnan ng pulisya na pangunahing motibo sa pagdukot kay Bautista.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nagalit umano ang mga suspect kay Bautista dahil sa sinosolo umano nito ang mga dumarating na komisyon sa mga transaksyon sa kompanya.
Personal na away o labanan sa delihensiya ang mas may malaking kinalaman sa kaso dahil na rin umano sa lahat ng supplies ay dumaraan kay Bautista kaya ang dating mga komisyon na dating napupunta sa supervisor ay nawala na.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakikita ang biktima. walang pa rin tawag na tinatanggap ang pamilya nito. (Ulat ni Rose Tamayo)