Hindi na nakarating ng buhay makaraang isugod sa Ospital ng Muntinlupa ang biktima na si SPO1 Noe Montiel sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan, habang ginagamot naman sa nabanggit ding pagamutan si PO2 Mary Jane Navarro, kapwa nakatalaga sa Muntinlupa City Police.
Mabilis namang nakatakas ang mag-amang suspect na sina Leo Lagumin, 56, at anak nitong si Bong, 25, ng Emmanuel Italia St., B.F Resort, Las Piñas City.
Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Senior Supt. Erasto Sanchez, hepe ng Muntinlupa City police na ang insidente ay naganap dakong alas-5 ng hapon kamakalawa sa gusali ng Vivera Suites, na nasa panulukan ng Asean Drive at Insular Avenue, Filinvest Drive, Barangay Alabang, Muntinlupa.
Nabatid na nakatakdang arestuhin nina SPO1 Montiel at PO2 Navarro ang mag-amang Lagumin dahil umano sa kasong carnapping subalit imbes na sumuko ay biglang bumunot ng baril ang mga ito at saka pinaputukan ang mga biktima.
Dahil sa labis na pagkabigla ay hindi na nagawa pang makaganti ng putok ng baril ng mga pulis.
Isang sibilyan pa na nakilalang si Ethel Bartolome ang sinasabing tinamaan din ng ligaw na bala at nasugatan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso, gayundin ang pagtugis sa mag-amang suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)