Totoy binugbog, sinakal ng senglot

Isang lalaki ang inaresto ng pulisya makaraang walang awang gulpihin at sakalin nito ang isang 8-anyos na batang lalaki kahapon ng madaling araw sa Parañaque City.

Nakakulong ngayon sa Parañaque City Jail ang suspek na nakilalang si Rolando Bernardo, 35, company driver, nakatira sa Santos Compound, Doña Soledad Avenue ng lungsod na ito.

Ang biktima naman ay itinago sa pangalang Ariel, grade 2 pupil at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa Parañaque City Police, naganap ang insidente dakong alas-2 kahapon ng madaling araw sa Santos Compound, Doña Soledad Avenue ng lungsod na ito.

Nabatid na lasing ang suspek at nagalit sa kakulitan ng biktima kung kaya’t sinakal at ginulpi ito dahilan upang mamaga ang ilang bahagi ng katawan nito.

Agad na nagsumbong ang bata sa ina na naging dahilan upang ipagharap ng reklamo ang suspek sa naturang himpilan na kaagad namang naaresto ng mga awtoridad. (Ulat ni Lordeth B. Bonilla)

Show comments