Sa ulat ni CIDG chief, C/Supt. Eduardo Matillano, lumapit sa kanilang tanggapan ang mga representative ng Nike International Ltd. USA at Adidas-Salomon AG of Germany kung saan inireklamo nila ang lantarang pagbebenta ng mga peke nilang mga produkto.
Agad na kumuha naman ng search warrant ang CIDG na ipinalabas ni Judge Alfredo Flores ng Pasig RTC Branch 67.
Dito sinalakay ng may 211 tauhan ng CIDG sa pamumuno ni Sr. Supt. Charlemagne Alejandrino ang Galeria Bldg. at Baclaran Terminal Mall sa Taft Avenue; Merwins Mart at Sunshine Fastfood and Trading sa F.B. Harrison sa Pasay City kung saan nakumpiska ang may dalawang trak ng mga sapatos.
Naging maayos naman ang naturang mga raid kung saan kasama ng mga pulis si Atty. Carlo Carag ng Adidas Phils. at 15 pang abogado ng Nike.
Sa inisyal na impormasyong nakalap, nabatid na nagbuhat pa sa Tsina ang naturang mga pekeng produkto na ipinupuslit sa bansa nang walang kaukulang papeles. (Ulat ni Danilo Garcia)