Kasalukuyang nakakulong at nahaharap sa kasong robbery-extortion ang suspect na si Crisanto Cervantes, 26, ng 255 4th St., 11th Avenue ng nabanggit na lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8 ng gabi nang maaresto ang suspect sa tapat ng seven-eleven bakery sa kanto ng 11th Ave. at 4th St. ng nabanggit na lungsod.
Base sa salaysay ng biktimang si Mario Rosales, may-ari ng isang bakery, nagpadala umano sa kanya ng sulat ang suspect na kung saan ay nanghihingi ito ng revolutionary tax para sa maka-kaliwang grupong NPA.
Nakasaad pa umano sa sulat na may mangyayaring hindi maganda sa pamilya nito kung hindi siya magbibigay ng halagang P10,000. Dahil dito, agad na humingi ng tulong si Rosales sa pulisya na agad na nagplano ng isang entrapment operation at nagresulta sa pagkakadakip ng suspect.
Nabatid pa na marami na umano ang nabiktima ng mga ganitong klaseng modus operandi at nananawagan din ang pulisya na kung sakaling may mananakot sa ilang negosyante ay agad na ipaalam sa kanila. (Ulat ni Rose Tamayo)