Dinukot na Tsinoy, napalaya na

Pinalaya na ng kanyang mga abductors ang kinidnap na isang Fil-Chinese noong nakalipas na Huwebes sa isang disco house sa Makati City makaraang magbayad ng ransom.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ni Supt. Jose Ramon Salido, hepe ng Criminal Investigation Division (CID), ang biktima ay si Laurence Yu, 21, ng Concepcion, Marikina City.

Samantala, blanko pa rin ang pulisya sa apat na suspect na mabilis na nagsipuga.

Ayon sa salaysay ng biktima, naganap ang pagdukot sa kanya noong Huwebes dakong ala-1 ng madaling araw sa isang disco house sa Ayala Center ng nabanggit na lungsod na dito sapilitang dinukot ng mga suspect ang biktima.

Malaki ang hinala ng pulisya na nagbayad ang biktima sa mga suspect ng hindi mabatid na halaga kaya lamang ito nakalaya.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon sa insidente para alamin kung sinong grupo ang dumukot kay Yu at kung ano ang talagang motibo dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments