Mister hinostage si misis, grabe sa SWAT

Isang 22-anyos na mister ang nasa kritikal na kondisyon makaraang pagbabarilin ito ng mga miyembro ng SWAT team matapos niyang i-hostage ang sarili niyang misis, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Intensive Care Unit (ICU) ng Jose Reyes Memorial Hospital ang suspect na si Jerry Arnado, ng Lupa Gozon Compound, Letre Tonsuya, Malabon.

Samantala sugatan din ang kanyang misis na si Joan Arnado, 21, na itinakbo naman sa Pagamutang Bayan ng Malabon dahil sa tinamo nitong mga malalalim na saksak sa batok at sikmura buhat sa kanyang mister.

Base sa ulat, dakong alas-3 ng madaling araw nang i-hostage ng mister ang kanyang misis sa loob ng kanilang bahay.

Napag-alaman pa na lasing at lango pa sa ipinagbabawal na gamot ang suspect at kung saan napag-tripan nito ang kanyang asawa.

Sinasabing bago ang pangho-hostage ay nagtalo muna ang dalawa hinggil sa umanoy hinala ng lalaki na may kalaguyo ang kanyang misis.

Dahil dito, nagbanta ang babae na tuluyan siyang iiwan kung hindi titigil ang lalaki sa kabibintang sa kanya.

Nang marinig ang sagot ng asawa ay mabilis na kumuha ng screw driver ang suspect at saka itinutok sa leeg ng kanyang misis.

Mabilis namang dumating ang mga awtoridad at habang nakikipag-negosasyon ang mga pulis sa suspect ay sinisimulan namang saksakin ng salarin ang kanyang bihag na misis.

Nakakuha ng tiyempo ang mga awtoridad kaya pinaputukan ang suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments