Sa ginanap na press conference, sinabi ni Lina na ang augmentation ng mga Marines ay bunsod na rin ng umanoy kakulangan ng mga miyembro ng PNP upang bantayan ang mga lugar na posibleng target ng mga terorista.
Ayon kay Lina, kailangan ng kapulisan ang dagdag na puwersa mula sa Marines upang matiyak na walang makakalusot na anumang mga bantang panggugulo ng mga terorista.
Binanggit pa nito na nakasalalay kay Defense Secretary Angelo Reyes at PNP chief Director General Hermogenes Ebdane kung ilang bilang ng Marines ang kailangang idagdag sa mga pulis na itatatalaga sa mga bus terminal, depot, sementeryo at sa mga residential area na posible namang samantalahin ng miyembro ng Akyat-Bahay Gang.
Nilinaw din nito na ang augmentation ng mga Marines ay hanggang sa paggunita lamang ng All Saints Day.
Iniutos din ng kalihim ang pagkansela sa mga vacation leave ng mga pulis, jail officials at mga bumbero.
Kakalat din simula ngayon ang mga tauhan ng LTO para ayudahan at bigyan ng tulong ang mga motorista at pasahero na magbibiyahe sa kani-kanilang lalawigan.
Sa kanyang ulat kay LTO chief Roberto Lastimoso, sinabi ni LTO Flying Squad Head Atty. Percival Cendana na mula ngayon hanggang Nobyembre 4, patuloy na tututok sa mga lansangan para sa kapakanan ng mga motorista. (Ulat nina Doris Franche at Angie dela Cruz)