Pagbomba sa QC bank napigil

Napigilan ang isa na naman sanang malagim na pambobomba sa Metro Manila matapos matagpuan sa harap ng isang banko sa Barangay Bagbagin, Novaliches, Quezon City ang mga kagamitan sa paggawa ng bomba.

Bukod dito, patuloy na nakatanggap ng mga ‘bomb threat’ sa iba’t ibang establisimento sa lungsod, nagkaroon din ng stampede sa MRT station na sakop din ng lungsod.

Ayon kay SPO1 Noel Velasquez ng SWAT dakong alas-2:10 ng madaling araw nang magresponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Team sa Barangay Bagbagin kung saan natagpuan sa harap ng Insular Savings Bank ang isang supot na dito nakalagay ang mga gamit sa paggawa ng bomba. Kabilang dito ang ammonium nitrate, alambre, wires at isang alarm clock.

Sinabi naman ni CPD director Senior Supt. Napoleon Castro na posibleng naudlot ang gagawing pambobomba ng mga suspect sa ilang lugar sa lungsod.

Posible din umano na nais lamang manakot ng grupo upang maalarma ang publiko.

Samantala, dakong alas-10 naman ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang SWAT tungkol sa umano’y may sasabog na bomba sa Ali Mall.

Nabatid na basang damit lamang ang laman ng isang supot na natagpuan sa harap ng RCBC bank sa likod ng nasabing shopping mall.

Makalipas ang 35 minuto, nagkaroon naman ng stampede sa MRT sa Quezon Avenue at anim katao ang nasugatan. Lumitaw sa imbestigasyon na isang lalaki ang gumawa ng eksena sa pamamagitan ng umano’y mabilis na pagtakbo at takot na takot na inakala naman ng iba na may sasabog na bomba dito.

Nakatanggap din ng ‘bomb threat’ ang Philippine Heart Center at ang Civil Service Commission.

Sa kabilang dako, hindi naman pabor si QC Mayor Feliciano Belmonte na magkaroon ng curfew para sa mga kabataan sa lungsod.

Ipinaliwanag nito na hindi naman maaaring ipataw ang curfew dahil lamang sa mga pagsabog na nagaganap. Ito aniya ay kailangan naaayon sa probisyon at ordinansa ng city council.

Nakatanggap din ng bomb threat ang Parañaque City Hall, ang Pasig Metropolitan Trial Court at Pasig Public Health Office. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments