Mag-amang holdaper naaresto

Arestado ang mag-amang holdaper matapos na holdapin at patayin ng mga ito ang isang taxi driver, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Bugbog sarado sa taumbayan ang mag-amang suspect na nakilalang sina Cesar at Cleto Upon ng 046 Talipapa St., Barangay Holy Spirit, Commonwealth ng nabanggit na lungsod.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Cresencio Bajao ng CPD-Criminal Investigation Unit dakong ala-1:30 ng madaling araw nang holdapin at pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang taxi driver na nakilalang si Sixto Miron, 68, ng 3312 Jacinto St., Camarin Road, Brgy. Pag-asa, Caloocan City.

Nabatid na nagawa pang makahingi ng saklolo ng driver sa mga taumbayan at naituro ang mga suspect bago ito tuluyang humandusay sa daan.

Mabilis namang kinuyog ng taumbayan ang mag-amang suspect at pinagbubugbog.

Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng ang mag-ama ay sangkot sa serye ng holdapan sa taxi na nagaganap sa naturang lugar.

Nakatakdang sampahan ng kasong illegal possesion of deadly weapon at murder ang mag-ama. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments