Ipinagbawal itinda ang asin na hindi 'iodized'

Simula sa Lunes, ang mga opisyal ng Department of Health ay maglilibot sa mga palengke ng Metro Manila para tiyakin na asin lang na iodized ang ibinebenta ng mga tindera kaugnay sa inilunsad na pambansang kampanya na tinaguriang "Patak sa Asin."

Ang paglilibot sa mga palengke ay iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Health Secretary Manuel Dayrit para alamin kung gaano kaepektibo ang pagpapatupad ng Asin Law o Republic Act 8172 na pinagtibay ng Kongreso noong 1995.

Ang naturang batas ay nag-uutos sa lahat na gumagawa ng asin kabilang na sa mga importador at mga tindera na iodized na asin lamang ang dapat na ipagbili sa mamamayan para sa kalusugan ng publiko.

Ayon kay Dayrit, magkasama sila ni Marikina Mayor Marides Fernando sa paglilibot sa mga palengke ng Marikina sa darating na linggo para maglagay ng sticker sa mga tindahang nagbebenta ng iodized salt.

Ang mga tindang asin na hindi iodized ay kukumpiskahin at papalitan ng asin na may iodine.

Ayon kay Dayrit, dapat silang maging matiyaga at mapagmatyag para magkaroon ng magandang resulta ang kanilang kampanya. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments