Kulungan sa Crame, gigibain

Matapos ang kontrobersiyal na pagtakas ng isang bigtime Fil-Chinese drug lord, nalalapit na ang pagdemolis sa gusali at buong compound ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng Camp Crame.

Samantala, umakyat na sa sampung pulis na nakatalaga sa PDEA ang sinibak matapos na magsagawa kahapon ng inspeksyon sina Sen. Robert Barbers at Sen. Noli de Castro sa kanilang detention cell kung saan naniniwala ang dalawang senador na may sabwatang naganap sa pagitan ng tumakas na drug lord na si Henry Tan at ilang kagawad ng pulisya.,

Sa isyu ng panukalang paggiba sa gusali ng PDEA, sinabi ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane na nakipag-usap na siya kay PDEA chairman, Ret. General Anselmo Avenido ukol sa paglilipat sa tanggapan nito sa isang gusali na inookupahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa may EDSA-Timog.

Matagal na umanong mungkahi na ihiwalay sa Camp Crame ang PDEA na dito nakatakas si Tan, dahil sa diretsa namang nakapailalim ito sa tanggapan ng Pangulo at ang PNP ay nakikipagkoordinasyon lamang.

Natuklasan naman kahapon nina Senators Barbers at de Castro na napakaluwag ng seguridad sa PDEA detention cell matapos nga ang isinagawa nila ang surprise inspection.

Sinabi ni de Castro na lubhang napakanipis ng bakal na ginamit sa mga selda sa loob ng PDEA detention cell kaya hindi nakapagtataka na malagare ito ng tumakas na si Tan. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments