Babae preso patay sa hika sa MCJ

Isa na namang babaeng preso sa Manila City Jail (MCJ) ang iniulat na nasawi matapos na atakihin ng sakit na hika sanhi na rin ng matinding sikip at init sa loob ng naturang piitan, kahapon ng madaling araw sa Sta. Cruz, Manila.

Si Erlinda Parulan, 39, ng 39 Peral St., Tondo ay namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Hospital.

Sa report, dakong alas-3:20 ng madaling araw ng biglang sumpungin ng matinding sakit na asthma ang biktima at dinala ito sa Infirmary ng nasabing bilangguan subalit dahil sa kakulangan ng gamot ay idineretso na si Parulan sa JRMMC subalit makaraan ang ilang minuto ay namatay din.

Nabatid na maraming preso sa naturang piitan ang madalas na dapuan ng kung anu-anong sakit dahil na rin sa sobrang sikip at dumi ng paligid nito. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments