Nagkagulo ang mga empleyado sa ikaapat na palapag ng City Hall partikular sa Room 421 kung saan ito ang tanggapan ng Branch 19 sa ilalim ni Judge Zenaida Daguna laluna nang aksidenteng pumutok ang isang baril na pinag-aagawan nina Eduardo Nitafan, warrant server at Ricardo Simeon na isa namang deputy sheriff doon.
Dakong alas-11:30 ng umaga nang bigla umanong magtalo ang dalawa at dahil dito, bigla na lang binunot ni Nitafan ang 9mm na baril na nakasukbit sa baywang ni Simeon.
Tinangka ni Simeon na bawiin ang kanyang baril hanggang sa magpambuno ang dalawa at pinag-agawan ito. Ilang minuto pa ay narinig ang malakas na putok at mabuti na lamang at sa sahig nakatutok ang baril.
Wala namang iniulat na nasaktan sa insidente.
Nang dumating ang pulisya ay saka lamang naawat ang dalawa na sa inisyal na imbestigasyon ay babae umano ang pinag-awayan ng mga ito. (Ulat ni Andi Garcia)