10 testigo ni Strunk inayawan ng DOJ

Tinanggihan ng three-man panel ng DOJ na nagsisiyasat sa kasong pagpaslang sa aktres na si Nida Blanca ang tangka ng mga abogado ni Rod Strunk na magprisinta ng 10 testigo papabor sa kanilang panig.

Ipinaliwanag ni Senior State Prosecutor Archimedes Manabat sa mga abogado ni Strunk na kinabibilangan nina Alma Mallonga, Noel Lazaro at Dennis Manalo na ang argumento ng mga ito ay hindi angkop criminal cases, tulad ng murder.

"Wala kaming kapangyarihan na i-summon ang mga taong ito dahil kami’y nasa preliminary investigation lamang. Ang kapangyarihan ay nasa korte kung ang kaso ay nakasampa na sa kanila", dagdag pa ni Manabat.

Sinabi naman ni Mallonga na halata na umano ang pagkilig ng panel sa panig ng complainants dahil sa haba ng panahong ibinibigay nito upang makapag-sumite ng mga ebidensiya, samantalang sa kanila ay wala pang isang buwan ang ipinagkaloob.

Nakapagtataka din umano kung bakit hindi pinayagan ng panel na i-summon ang 10 testigo na makakatulong upang mapawang-sala ang kanilang kliyente.

Binalewala rin ng kampo ni Strunk sa DOJ ang pahayag ni Medel na direktang nag-uugnay dito na siyang utak sa nasabing krimen. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments