Tinatayang aabot sa P300 milyon halaga ng mga malalaking makina at mga pekeng CD at VCD ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon.
Nakilala naman ang mga nadakip na sina Hai Yang Siao, Zao Tsung Syao, Zun Wang, Sao-Ma, Shang We at ang Pinoy na si Dennis Rivera, 30.
Sa panayam kay Senior Supt. Leopoldo Orena, hepe ng Valenzuela City Police isinagawa ang operasyon kahapon ng madaling araw nang lusubin ang malaking bodega na nagsisilbing factory ng sindikato sa Joy St., Brgy. Punturin ng nabanggit na lungsod.
Dagdag pa ni Orena na ang nasabing bodega ay guwardiyado umano ng mga blue guards. May 11 makina na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng CD at VCD ang nasamsam.
Base sa ulat, isang impormante umano ang nagbigay sa kanila ng impormasyon hinggil sa ilegal na operasyon na nangyayari sa loob ng nasabing bodega dahilan upang bumuo ng team ang VRB at Valenzuela Police.
Sinalakay ang bodega sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City RTC. (Ulat ni Rose Tamayo)