Acsa Ramirez tuluyan nang kinasuhan ng NBI

Ipinagharap na kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong paglabag sa Anti-Money Laundering Law sina Land Bank of the Philippines (LBP) cashiers Acsa Ramirez at Ramon Joven.

Ang pagsasampa ng kasong 11 counts ng paglabag sa Anti-Money Laundering Law laban kay Ramirez at 6 counts ng nasabing kaso laban kay Joven ay isinulong batay na rin sa ginagawang pagsisiyasat ng Anti Money Laundering Council (AMLC) na pinamumunuan ni Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Rafael Buenaventura.

Nabatid mula sa imbestigasyon ng AMLC na ang transaksyon o depositong nagkakahalaga ng 203 milyong piso tax fraud ay naisagawa noong 1999 — Abril 2002 hanggang May-June 2002 kung saan sina Joven at Ramirez ay kapwa kahera sa LBP Binangonan Branch.

Lumalabas pa rin sa imbestigasyon na anim na transaksyon ang ginawa ni Joven upang mapunta ang nasabing pera sa kanyang account, habang labing-isa naman ang ginawa ni Ramirez.

Binigyang-diin ni NBI director Reynaldo Wycoco na tiniyak ng AMLC na may kinalaman sina Ramirez at Joven sa nasabing maanomalyang transaksyon.

Magugunita na si Ramirez ay kasama ni Artemio San Juan ng iprisinta ito ng NBI kay Pangulong Gloria Macapagal -Arroyo dahil sa nasabing anomalya.

Iginiit ni Ramirez na hindi siya suspect bagkus siya pa nga ang nagbulgar sa anomalya.

Sinuportahan din ng mga empleyado ng Land Bank si Ramirez kasabay nang pagtuligsa sa NBI ng idawit ng ahensiya ang una na siyang itinuturing na ‘whistle blower’ sa kaso.(Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments