Namatay bago pa man idating sa San Juan de Dios Hospital ang biktima na nakilalang si Edwin Alupijan, 45, guwardiya ng Public Estate Authority (PEA) sanhi ng tinamo nitong ilang tama ng bala sa ibat-bang bahagi ng katawan. Samantala hindi pa nakikilala ang napatay na isa sa tatlong suspect.
Nasakote naman ang isa pa sa suspect na nakilalang si Benjamin Plac, 35, habang ang isa pa nilang kasamahan ay nakatakas.
Base sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Anthony Alising, ng CID ng Parañaque police na naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon sa toll plaza na pinamamahalaan ng tanggapan ng PEA na matatagpuan sa Coastal Road, Emilio Aguinaldo Highway, Brgy. San Dionisio.
Nabatid na sakay ang mga suspect sa isang motorsiklo at pumasok sa naturang expressway ng ang mga ito ay sitahin ng biktima dahil sa bawal pumasok doon ang maliliit na sasakyan.
Sa halip na tumigil, isa sa mga suspect ang nagpaputok ng baril at tinamaan ang biktimang sikyu, gayunman sa kabila na may tama ay nakuha pa nitong magpaputok ng baril at naasinta ang isa sa mga suspect na tinamaan sa ulo at namatay.
May hinala ang pulisya na mga holdaper ang mga suspect at posibleng pasalakay sa bago nilang biktima subalit naudlot ng sitahin ng biktima. (Lorderth Bonilla)