Nabatid na nagtungo si Ret. Gen. Steve Cudal na siyang umaaktong abogado ng mga suspect kamakalawa ng hapon at pilit na umanong kinakausap si GAS chief Col. Marcelino Pedrozo na ipaubaya na lamang ang suspect na naaresto.
Matatandaan na ang mga suspect ay kinabibilangan nina SPO2 Jesus Acejo, PO2 Ricardo Luciano, PO1s Manoliti Prado, Fred Paraon at Danilo Hamilla ay pormal na sinampahan ng kaso kamakalawa ng hapon sa Manila Prosecutors Office ng kasong extortion with robbery at kidnapping.
Nabatid na ilang oras bago tuluyang dinala sa Manila City Hall ang mga suspect para kasuhan ay pilit umanong nakikipag-argumento si Cudal na dapat na ipaubaya na lamang sa kanya ang mga suspect at huwag nang kasuhan dahil wala naman umanong ebidensya na magdidiin sa mga ito.
Ikinatwiran umano ni Cudal na nawala ang marked money na ibinigay umano ng isang testigo na nagngangalang Evengeline Lim kay Hamilla.
Dahil dito ay nagpahayag pa umano si Cudal na kakasuhan ng DILG ng obstruction of justice ang GAS dahil sa ginawa nitong pag-aresto sa miyembro ng Task Force Jericho. (Ulat ni Andi Garcia)