Itoy matapos arestuhin at disarmahan ni Parsons sa tulong ng dalawang police security escorts nito ang dalawang armadong kalalakihan kabilang ang isang Army reservist na nakitang umaaligid malapit sa kanyang tahanan sa Marikina City kahapon.
Ang nasabing Army reservist ay armado ng caliber .45 automatic pistol.
Naniniwala si Parsons na ang grupo ni Rolando Centeno, 33, isang Army reservist at residente ng #42 E. de Guzman St., Concepcion Uno at isang Antonio Caradinas ng SSS Village, Brgy. Concepcion Dos ay kabilang sa grupo na nagtatangka sa kanyang buhay.
Isang caliber .45 pistol na may tatlong bala naman ang nasamsam mula kay Centeno.
Nabatid na tuluyan nang ipinakalaboso ni Marikina City Police P/Supt. Cipriano Querol ang pagdakip kay Centeno dahil sa paglabag sa gun ban ng Commission on Elections (COMELEC).
Gayunman, pinalaya ang kasamahan nitong si Caradinas matapos ang isinagawang inisyal na imbestigasyon.
Kapwa naman itinanggi nina Centeno at Caradinas na may masama silang binabalak kay Parsons kung saan ay kapwa iginiit ng mga ito na may tinutugaygayan at aarestuhin lamang silang notoryus na drug pusher bagaman tumanggi ang mga itong magbigay ng iba pang detalye ukol dito. (Ulat ni Joy Cantos)