Binanggit ni Gualberto na bagamat may ginawa silang ulat ukol sa isinagawang imbestigasyon sa kaso ay wala naman siyang natatandaang kasama sa mga nasasangkot ang pangalan nina Golez at Saycon.
Sinabi pa nito na nakahanda nilang iharap ang naturang report kung hihilingin ito ng Department of Justice (DOJ) sa pagsasagawa nito ng preliminary investigation sa pagpatay kay Cervantes.
Magugunitang sa isinumiteng affidavit ni Supt. Rafael Cardeño, RAM leader sa Department of Justice (DOJ) binanggit nito na may malaking kinalaman sina Golez at Saycon sa pagpaslang kay Cervantes.
Tauhan umano nina Golez at Saycon si Cervantes kayat tiyak na may nalalaman ang mga ito sa krimen.
Tinawanan lamang ito pareho nina Golez at Saycon kasabay nang pagsasabing gumagawa lamang ng paraan si Cardeño para makalusot sa isasagawang preliminary investigation sa kaso.
Pinalalabas din ni Golez si Cardeño sa pinagtataguan at harapin ang kaso.
Magugunitang si Cardeño at tatlong iba pa ang kinasuhan kaugnay sa pagpatay kay Cervantes noong nakalipas na Disyembre 31, 2001. (Ulat ni Danilo Garcia)