Nakatalsik ng tubig-baha, pedicab driver todas sa kasamahan

Isang pedicab driver ang pinagsasaksak at napatay ng kanyang kasamahan matapos na matalsikan ito ng tubig-baha ng una ng minamanehong pedicab kamakalawa ng umaga sa Navotas.

Namatay noon din sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan ang biktimang si Rolando Edio, 32, ng Block 47, Lot 61, Phase 1-C, Dagat-Dagatan.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si Editho Maglente, 38, ng C-3 Road, North Bay Blvd. South (NBBS) na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Batay sa ulat, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente malapit sa bahay ng biktima.

Nabatid na kapwa pumapasada ang dalawa nang matalsikan ng tubig-baha mula sa pedicab ng biktima ang suspek na naging dahilan upang magalit ito.

Agad na sinita ng suspek ang biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang bumunot ang una ng patalim at inundayan ng maraming saksak ang huli. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments