Sinabi ni Sen. Oreta, dapat ay makipagtulungan ang DOH sa DTI at lokal na distributor ng nasabing kontaminadong gatas para madaling mahanap at malaman kung saan ipinamahagi o naibenta ang nasabing gatas.
Ayon kay Oreta, di sapat ang pagbibigay lamang ng babala ng DOH kundi mas marapat na magpalabas ang nasabing mga ahensya ng inspection team na titingin at magbabantay para mahanap at makuha ang mga kontaminadong gatas na nabenta sa mga retail outlets sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Idinagdag pa ng mambabatas, lumitaw sa pag-aaral ng Bureau of Foods and Drugs (BFAD) na may ilang produkto ng Gain milk na naibenta sa pamilihan ang kontaminado umano ng lubricating oil at shaved iron.
Kaagad nagpalabas ng babala ang DOH matapos makatanggap sila ng ulat mula sa Danish Veterinary and Food Administration na ang nasabing batch ng gatas na mula sa Denmark ay kontaminado habang iniimpake ito. (Ulat ni Rudy Andal)