Piskal na manyakis tiklo sa NBI

Kalaboso ang kinahantungan ng isang piskal nang ito ay ireklamo ng isang ginang sa NBI ng kasong sexual harassment. Kinilala ni Acting NBI Director Fermin Nasol ang suspek na si Victor dela Cruz, nakatalaga sa Naga City Prosecutor’s Office.

Sa salaysay ng biktimang si Lairel Cortez na nag-ugat ang tangkang pagsasamantala sa kanya ng suspek noong Hunyo 20, 2002 matapos niyang magsampa ng kasong frustrated parricide laban sa kanyang asawa.

Ayon kay Cortez, nag-follow-up siya ng kasong isinampa sa tanggapan ni Dela Cruz nang biglang hawakan ang kanyang kamay at hinimas sabay bulong ng "magtiwala ka sa akin".

Matapos ang insidente ay niyaya ni Dela Cruz na kumain sa labas at sinabihan din na huwag magsama ng iba.

Naulit ang pag-iimbita noong Hunyo 24, subalit hindi sinipot ni Cortez ang usapan hanggang sa muling nagtungo ito sa tanggapan ni Dela Cruz para i-follow-up ang kaso.

Dito ay binigyan ni Dela Cruz si Cortez ng pera at muling niyaya na lumabas na tinanggihan ng huli.

Nagbigay muli ng petsa si Dela Cruz na sa Hulyo 8 ay dapat umano silang lumabas, kaya’t napilitan na magtungo si Cortez sa NBI at inireklamo ang manyakis na piskal.

Pumayag si Cortez sa alok ni Dela Cruz na lumabas na lingid sa kaalaman ng huli na nagsasagawa na nang entrapment operation ang NBI.

Dinala ni Dela Cruz si Cortez sa Kayumanggi Drive-In Motel and Resort sa San Felipe, Naga City.

Nagpanggap na room boy ang isang ahente ng NBI at nang buksan ni Dela Cruz ang pintuan ng kuwarto ay dito na siya inaresto. (Ulat nina Grace Amargo, Jesusa M. Quinto/Joy B. Nacional)

Show comments