Sa panayam kay Rod de Vera ng QC Hall Operations Center, ang mga lugar na patuloy na nakalubog sa tubig baha ay ang Tatalon, Mariblu, Bagong Silangan, Roxas District, San Agustin, Gulod, Damayang Lagi, Capri, Sta. Monica, Doña Imelda at Masambong.
Bukod sa pagkalingang ginagawa ng QC Operations tram sa mga biktima ay patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang tanggapan ng DSWD para sa kaukulang ayuda sa mga naturang pamilyang apektado ng kalamidad.
Kaugnay pa rin nito, nagpalabas kahapon ng halagang P300,000 calamity fund si QC Mayor Feliciano Belmonte Jr. para tustusan ang pangangailangan ng mga taga-lungsod na naapektuhan ng pagbaha.
Pinatitiyak ng alkalde kay QC Treasurer Victor Endriga na siguruhing mapapakinabangan ng mga apektadong lugar ang naturang pondo.
Inatasan din ni Belmonte ang QC Engineering Office na imbestigahan at busisiin ang dahilan kung bakit umaapaw ang tubig sa mga ilog sa lungsod. (Ulat ni Angie dela Cruz)